Pag-ibig feat. Tadhana

Sabado ng umaga. Pinapatugtog ko yung nga kantang hindi ko magawang pakinggan mula Lunes hanggang Byernes– mga araw na hindi pwedeng manghina. Pero Sabado ngayon. Akin ang sarili ko. 

Biglang napadpad ang playlist sa dakong pa-Tadhana. Tadhana ng Up dharma Down

(Pakinggan habang binabasa.)

Katulad nga ng mga unang mga salita nito: 

“Sa hindi inaasahang

Pagtatagpo ng mga mundo.”

Napapangiti pa rin ako kapag naiisip ko kung paanong lahat ng kung anong meron tayo ay hindi parte ng mga unang plano natin sa buhay. Sino sa atin ang nagsabing makikilala natin ang isa’t-isa? Wala hindi ba?

Pero heto tayo. Pumapag-ibig.

“May minsan lang na nagdugtong,

Damang dama na ang ugong nito”

Naramdaman mo din ba ‘yon? Yung biglang pakiramdam ko na lang nung unang nagkakilala tayo na isa ka sa mga taong hindi lang basta dadaan sa buhay ko. Narinig mo din ba ‘yon? Yung mahinang-mahinang bulong pero malinaw ang pagkakarinig ko. Sabi niya, “Nandito na siya o. Eto na.”

“‘Di pa ba sapat ang sakit at lahat 

Na hinding hindi ko ipararanas saýo”

Ikaw yung taong hindi ko magawang saktan. Hindi ko magawang mainis sa iyo o matiis ka ng matagal. Doon ko na naintindihan yung bulong ng kalawakan na sinasabi ko sa iyo. At kahit ano mang panunumbat ko sa sarili ko na huwag magpakamartir. Pwede ba. Hindi ito pagmamatigas o pagpapaka-martir. Iba ito. Pag-ibig to.

“Ibinubunyag ka ng iyong mata

Sumisigaw ng pag-sinta”

Tinanong kita minsan. Anong nagustuhan mo sa akin. Di ka man lang nag-isip ng matagal. Di ka man lang naghintay ng limang segundo. Tinignan mo ko sa mata. Sabi mo dito ka unang nahulog. Sa dalawang balong nagmimistulang lagusan ng mga totoo kong emosyon na hindi ko magawang itago sa iyo. 

Sabi ng isa sa mga paborito kong manunulat, makikilala mo daw ang tunay mong pag-ibig sa kinang ng kanyang mata. Eto na nga siguro yun.

“Ba’t di pa patulan 

Ang pagsuyong nagkulang 

Tayong umaasa 

Hilaga’t kanluran”

Ang dami na nating pinagdaanan. Ang dami na nating paligoy-ligoy. Ang daming taon at pagkakataon. Ang damin na nating pinalampas. Ano? Hindi pa rin ba tayo aamin?

“Ikaw ang hantungan 

At bilang kanlungan mo

Ako ang sasagip saýo”

Wala na akong ibang maisip na dulo ng kwento natin. Dalawa lang naman ang pwedeng hantungan hindi ba? Yung uuwi ako sa iyo. O uuwi ka sa akin. 

Hindi na ako magiisip pa ng ibang posibleng mangyari. Sabi ko naman noong una palang, hintayin mo ‘ko, dyan ka lang. Sasagipin kita. Sasagipin natin kung anong meron tayo. Pag-ibig.

“Saan nga ba patungo,

Nakayapak at nahihiwagaan

Ang bagyo ng tadhana ay

Dinadala ako sa init ng bisig mo”

Kung nagbibilang ka, siguro ang haba na ng listahan kung kailan sinabi na natin na huminto tayo. Tama na. Nakakapagod na. Pero tignan mo nga naman nandito pa rin ang “ikaw at ako”. Tayo.

Palagi na lang pinipilit kong lumayo o lumimot pero para lang akong nagpapagod sa wala. Pakiramdam ko para akong manlalakbay na nawawala pero umaasang makakauwi din. Alam mo naman na kung ano ang tinutukoy ko hindi ba? Ikaw at ang mga bisig mo ang gusto kong uwian. Ikaw ang tahanan ng puso kong ligalig.

Ba’t ‘di pa sabihin

Ang hindi mo maamin

Ipa-uubaya na lang ba ‘to sa hangin

Huwag mong ikatakot

Ang bulong ng damdamin mo

Naririto ako at nakikinig saýo

Sinabi ko na lahat. Sinabi mo na lahat. Kilala na natin ng lubos ang isa’t-isa. Ang tangi na lang nating kailangan gawin ay huwag ipaubaya sa bagay na hindi natin nakikita ang kung ano mang meron tayo. Huwag na tayong magpatangay sa hangin, sa agos, sa kanila. Tayo na, mahal. 

Huwag na tayong magdalawang isip pa. Ni hindi nating kailangan ang basbas ng tadhana. 

Huwag kang matakot. Ngayon, makinig ka sa bulong ng sarili mo. At makikinig ako sa iyo. Sa atin.

❤️

4 thoughts on “Pag-ibig feat. Tadhana

Add yours

Leave a comment

Website Powered by WordPress.com.

Up ↑